Choco Mucho sumosyo sa No. 1 spot

MANILA, Philippines — Wala pa ring dungis ang rekord ng Choco Mucho matapos walisin ang Cignal HD sa bendis­yon ng 26-24, 25-12, 25-17 desisyon para sumalo sa tuktok ng standings sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Gaya ng inaasahan, muling naglatag ng matikas na laro si Filipino-Canadian Kat Tolentino na pumalo ng 16 puntos galing sa 14 attacks, isang ace at isang block para buhatin ang Flying Titans sa ikaapat na sunod na panalo.

Dahil sa panalo, uma­ngat ang Choco Mucho sa unahan ng standings kasama ang reigning champion Creamline na may katulad na 4-0 baraha.

“Slowly they’re enjoying it, nagkaroon ng cohesiveness but they have to do it right all time, kailangan pa maging consistent. Habang tumatagal humihirap,” ani Choco Mucho head coach Oliver Almadro.

Malakas ang suporta ni middle blocker Bea De Leon na umiskor ng 11 hits habang may siyam na puntos naman si Ponggay Gaston at tig-lima galing kina Maddie Madayag at Regine Arocha.

Nalaglag naman ang HD Spikers sa 1-4 marka kung saan kailangan nitong maipanalo ang mga nala­labing laro upang mana­t­iling buhay ang kanilang pag-asa sa isa sa apat na semis slots.

Nakakuha ang Cignal ng siyam na puntos mula kay Roselyn Doria habang nalimitahan sa anim na hits si team captain Rachel Anne Daquis.

Malaking pasakit para sa HD Spikers ang 21 errors nito.

Target ng Creamline na muling masolo ang No. 1 spot sa pagharap nito sa mapanganib na BaliPure sa alas-6 ng gabi matapos ang bakbakan ng Chery Tiggo at Sta. Lucia Realtors sa alas-3.

Show comments