Orcollo, Kiamco nanalasa sa US

MANILA, Philippines — Namayagpag ang mga Pinoy cue masters sa magkakaibang torneo sa Amerika.

Dalawang korona ang nasungkit ni dating world champion Dennis Orcollo matapos pagharian ang 9-Ball at 9-Ball Banks sa Triple Crown Tournament sa Tallahassee, Florida.

Naibulsa ni Orcollo ang pinagsamang $9,100 p­remyo sa naturang torneo.

Ito ang ikapitong korona ni Orcollo sa taong ito.

Hindi rin nagpahuli si Warren Kiamco na nakasungkit naman ng ikala­wang korona sa taong ito nang mangibabaw sa Diviney Cues Box Classic 10-Ball sa East Moline, Illinois.

Napasakamay ni Kiamco ang $5,000 top purse.

Sa kabilang banda, bigong umabante sina Jeffrey De Luna at Roberto Gomez matapos yumuko sa quarterfinals ng 2021 World Cup of Pool na ginaganap sa Stadium MK sa Milton Keynes, England.

Lumasap sina De Luna at Gomez ng 4-9 kabiguan kina Denis Grabe at Mark Magi ng Estonia upang tuluyang matapos ang kampanya ng Pinoy duo sa torneo.

Gayunpaman, hindi uuwing luhaan sina De Luna at Gomez dahil nagkamit ito ng $9,000 konsolasyon.

Show comments