Diaz gusto pang sumabak sa Vietnam SEA Games

Hidilyn Diaz
Facebook/International Weightlifting Federation

MANILA, Philippines — Hindi pa ang Tokyo Olympics ang  huling hirit ni Hidilyn Diaz dahil nangako itong sasabak pa sa 2021 Southeast Asian Games sa Vietnam sa Nobyembre.

Orihinal sanang magreretiro ang RIo Olympics silver medalist pagkatapos ng Tokyo Olympics kung natuloy ito noong nakaraang taon.

Subalit dahil naurong ang Tokyo Olympics sa Hulyo ngayong taon, nagdesisyon si Diaz na tapusin na ang 2021 season bago tulu-yang magretiro.

“After Tokyo Olympics, talagang balak ko na mag-retire kung natuloy sana last year. ‘Yun na ang last tournament ko,” ani Diaz.

Ipinaliwanag ni Diaz na ang time frame ang naging dahilan niya para ituloy na ang huling laban sa Vietnam SEA Games.

“Pero dahil halos magkasunod na rin naman ‘yung Tokyo Olympics and SEA Games, itutuloy ko na para tuluy-tuloy ‘yung momentum kasi nandun na. Hindi tulad kung noong 2020 ‘yung Tokyo Olympics medyo malayo sa 2021 Vietnam SEA Games,” ani Diaz.

Ipagtatanggol ni Diaz ang korona nito sa wo-men’s 55-kg division sa SEA Games na idaraos sa Nobyembre sa Hanoi, Vietnam.

Ngunit bago ang SEA Games, nakasentro muna ang atensiyon ni Diaz sa Tokyo Olympics kung saan isa ito sa inaasahang mag-uuwi ng medalya para sa Pilipinas.

Show comments