Lalaro pa rin sa PBA ang Gilas

Una nang inihayag ni SBP program director Tab Baldwin na natitirang option nito ang tuneup games sa PBA matapos makansela ang plano sanang pocket tournament sa Australia at New Zealand.
FIBA.com

MANILA, Philippines — Tuloy ang plano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na isalang ang Gilas Pilipinas sa PBA Season 46 Philippine Cup bilang guest team.

Una nang inihayag ni SBP program director Tab Baldwin na natitirang option nito ang tuneup games sa PBA matapos makansela ang plano sanang pocket tournament sa Australia at New Zealand.

Kaya naman kasama ang Gilas Pilipinas sa plano ng PBA para sa nakatakdang pagbubukas ng season.

Sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na handa ang PBA na tulungan ang Gilas para magkaroon ng exposure ang mga bagitong miyembro ng koponan.

Sasalang sa walo hanggang 10 laro ang Gilas Pilipinas sa Philippine Cup.

“Mga ilang games lang sila. Siguro mga eight to 10 games lang, or baka lesser pa,” ani Marcial.

Subalit ipinaliwanag ni Marcial na iba na ito kumpara sa naunang plano na sasabak ang Gilas Pilipinas sa buong kumperensiya ng Philippine Cup.

Noong una, maglalaro ang Gilas mula eliminasyon hanggang sa kung saang stage ng torneo umabot ang tropa.

May pagkakataon din ang Gilas Pilipinas maging kampeon kung magtutuluy-tuloy ang ratsada nito hanggang dulo. Ngunit dahil sa kakapusan sa oras, hindi na ito magagawa ng Gilas Pilipinas. Sa halip, guest team na lamang ito sa Philippine Cup.

“Hindi ito ‘yung katulad ng gusto natin na mabuo nila at puwede silang mag-champion. Parang silip lang sila. Mga ilang games lang, ‘yun ang sabi sa amin,” ani Marcial.

Nakabalik na sa Calambubble ang Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna para paghandaan ang FIBA Asia Cup Qualifiers sa June 16 hanggang 20 sa Clark, Pampanga at ang FIBA Olympic Qualifying Tournament sa June 29 hanggang July 4 sa Belgrade, Serbia.

Inaasahang sa huling bahagi pa ng Mayo o sa kalagitnaan ng Hunyo maaaring makapagsimu-la ang PBA Season 46 Philippine Cup matapos maudlot ang opening nito noong Abril dahil sa community quarantine na ipinatupad sa NCR plus bubble.

Show comments