Bucks wagi sa Wolves kahit wala si Giannis
MINNEAPOLIS, Philippines — Sa kabila ng hindi paglalaro ni NBA superstar Giannis Antetokounmpo ay dumiretso pa rin ang Milwaukee Bucks sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang Minnesota Timberwolves, 130-105.
Kumolekta si Khris Middleton ng 27 points, 8 rebounds at 7 assists para pamunuan ang Bucks (34-20) na nakahugot din kina Brook Lopez at Jrue Holiday ng 18 at 15 markers, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikaanim na sunod na laro na hindi nakita sa aksyon si Antetokounmpo (nananakit na kaliwang tuhod) para sa Milwaukee na umiskor ng 45 points sa third period para tuluyan nang ibaon ang Minnesota (14-42).
Binanderahan ni Anthony Edwards ang Timberwolves sa kanyang tinapos na 24 points mula sa 5-for-11 shooting sa three-point range.
Sa Philadelphia, humakot si Joel Embiid ng 39 points at 13 rebounds at may 17 markers si Ben Simmons para sa 123-117 panalo ng 76ers (36-17) sa Brooklyn Nets (37-18).
Hindi naglaro para sa Nets sina starters James Harden, Kevin Durant, Blake Griffin at LaMarcus Aldridge.
Sa Denver, nagtala si Michael Porter, Jr. ng 25 points at 10 boards para ihatid ang Nuggets (35-20) sa 123-106 pagpapalamig sa Miami Heat (28-27).
Sa Detroit, kumonekta si Reggie Jackson ng jumper sa huling 2.3 segundo para sa 100-98 paglusot ng Los Angeles Clippers (39-18) sa Pistons (16-39).
Sa Memphis, nagsalpak ng triple si Luka Doncic sa pagtunog ng final buzzer para sa 114-113 pag-eskapo ng Dallas Mavericks (30-24) sa Grizzlies (27-26).
Sa Oklahoma City, umiskor si Stephen Curry ng 25 sa kanyang 42 points sa third quarter para sa 147-109 pagdomina ng Golden State Warriors (27-28) sa Thunder (20-35).
- Latest