Isyu sa pagitan ni Parks at TNT lumalalim

Manny V. Pangilinan at Bobby Ray Parks Jr
File/PBA

MANILA, Philippines — Dadalhin ng Talk ’N Text management sa PBA Commissioner’s Office at Board of Governors ang isyu patungkol kay Bobby Ray Parks Jr.

Nagpasya  ang Tropang Giga forward na si Parks na lumiban sa PBA Season 46 dahil sa personal na rason partikular na sa problemang pamilya na umano’y kinakaharap nito.

Subalit hindi ito kinagat ng TNT management.

Sa halip, naglabas ng larawan si PLDT Chairman Manny V. Pangilinan sa kanyang social media kung saan kinukuwestiyon nito kung may problema ba talagang pinagdaraanan si Parks.

Sa larawan na inilabas ni Pangilinan, nasa isang beach si Parks sa La Union na tila wala umanong iniindang problema.

May lumutang pa na video sa social media na nagsasanay ito sa San Juan, La Union kasama si 2019 Southeast Asian Games gold medalist Ro­ger Casugay.

Ayon kay Vargas, hindi ito magandang gawain para sa mga players na basta-basta na lamang nag­lalabas ng statement kung gugustuhin ng mga ito.

Malaki ang epekto nito sa bawat koponan.

Ipinaliwanag ni Vargas na pinangangalagaan ng team owners ang mga players nito partikular na sa mga panahong tulad nito na nasa pandemya ang buong mundo.

Kaya naman nais ni Vargas na magkaroon ng linaw kung ano ang maa­aring maging hakbang sa mga isyung tulad nito.

Sinubukan pang maki­pag-usap ni Vargas kay Parks. Nagpadala ito ng mensahe sa pamamagitan ng text ngunit hindi sumagot ang dating National University standout.

Wala namang problema sa TNT management kung totoo ang dahilan nitong lumiban upang a­yusin muna ang problema sa pamilya.

Subalit ikinagulat ni Vargas nang malaman nitong wala naman sa Amerika si Parks para makasama ang pamilya kundi nasa La Union ito.

Inaasahang tatalakayin ito sa oras na magpulong ang Board of Governors kasama ang pamunuan ng PBA.

Show comments