Obiena gustong wasakin ang Asian record

Ernest John Obiena
STAR/File

Bukod sa target na Olympic gold medal

MANILA, Philippines — Matapos basagin ang mga Philippine at Southeast Asian Games pole vault records ay gusto ring sirain ni Olympic Games-bound Ernest John Obiena ang Asian mark.

At naniniwala ang 6-foot-2 national pole vaul­ter na magagawa niya ito.

“I wanna jump the Asian record (5.93m) that’s for sure,” ani Obiena sa pa­nayam ng CNN Philippines mula sa Italy. “That’s gonna make me the best in the whole Asia.”

Binasag ni Obiena ang Philippine indoor pole vault record ng apat na beses sa sinalihan niyang anim na World Athletics Indoor Tour gold event.

Inangkin ni Obiena ang gold medal sa Internationales Stadionfest Indoors sa Berlin, Germany sa kanyang inilistang 5.80m para sa bagong Philippine indoor mark.

Kumubra rin ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist ng ginto sa PSD Bank Indoor Meeting sa kanyang nilundag na 5.65m sa Dortmund sa Germany.

Ang lahat ng ito ay bilang paghahanda ng 25-anyos na si Obiena para sa 2021 Olympics na gagawin sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

Kumolekta rin siya ng isang silver at isang bronze medal sa nasabing World Athletics Indoor Tour gold event.

Show comments