Obiena magpapalakas pa para sa Tokyo Olympics

Ernest John Obiena
TOBIAS SCHWARZ / POOL / AFP

MANILA, Philippines — Hindi pa kuntento si national pole vaulter Ernest John Obiena sa kanyang mga nakamit na medalya mula sa sinalihang anim na World Athletics Indoor Tour gold events ngayong taon.

“Joined 6 indoor competitions with the ff. results,” sabi Obiena sa kanyang social media post. “What it showed me is there’s still a lot more to work on.”

Ito ay sa kabila ng pag­hakot ng 6-foot-2 Olympic Games-bound ng dalawang gold, isang silver at isang bronze medal.

Pinaghahandaan ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist ang 2021 Olympics sa Tokyo, Japan na nakatakda sa Hul­yo 23 hanggang Agosto 8.

Noong Pebrero 5 ay inangkin ni Obiena ang gold medal sa Internationales Stadionfest Indoors sa Berlin, Germany sa kanyang itinalang 5.80 metro para sa bagong Philippine indoor record.

Gintong medalya rin ang inangkin ng 25-anyos na national athletes sa PSD Bank Indoor Mee­ting sa kanyang nilundag na 5.65m sa Dortmund, Germany noong Pebrero 7.

Nakuha naman ni O­biena ang silver medal sa Orlen Cup sa Lodz, Poland tampok ang pagtatala niya ng bagong national indoor pole vault record na 5.86m noong Sabado.

Ang tansong medalya ay sinikwat naman ni O­biena sa ipinoste niyang 5.80m sa 2021 Copernicus Cup sa Torun, Poland.

Ito ang kanyang ikaapat na podium finish ngayong taon.  

Show comments