Tsukii, Didal sumikwat ng medalya
MANILA, Philippines — Humirit ng medalya sina Filipino-Japanese karateka Junna Tsukii at Asian Games skating gold medalist Margielyn Didal sa kani-kanyang international tournaments.
Ginulantang ni Tsukii si World No. 6 Valeria Kumizaki ng Serbia upang masikwat ang ginto women’s -55 kgs. sa isang pocket tournament sa Arandelovac, Serbia.
Sa kabilang banda, nagkasya sa pilak na medalya si Didal sa Madrid Urban Sports Tournament na isang virtual event para sa skateboarding.
Lumasap ang World No. 14 na si Didal ng 0-5 upset loss kay World No. 43 Nanaka Fujisawa ng Japan sa championship round ng event.
Pumabor sa Japanese bet ang lahat ng limang huradong sina Anthony Claravall, Danny Wainwright, Jesus Fernandez, Vanessa Torres at Alex Braza para makuha nito ang ginto.
Nakapasok sa finals si Didal nang payukuin nito sina World No. 28 Marina Gabriela sa first round at World No. 8 Gabriela Mazetto sa semifinals.
Nanaig naman si Fujisawa kina World No. 5 Candy Jacobs at World No. 2 Rayssa Leal para makahirit ng puwesto sa gold-medal match.
Parehong naghahabol sina Tsukii at Didal na makahirit ng tiket sa Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan sa susunod na taon.
- Latest