Gilas Pilipinas 2 games na lang sa Manama

MANILA, Philippines — Nakahinga ng maluwag ang Gilas Pilipinas dahil dalawang laro na lamang ang pagdaraanan nito sa halip na apat sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa Nobyembre 27 hanggang 30 sa Manama, Bahrain.

Base sa bagong sche­dule na inilabas ng FIBA sa official website nito, makakalaban ng Gilas Pilipinas ng dalawang beses ang Thailand sa Nobyembre 27 at Nobyembre 30 sa Manama Arena sa Khalifa Sport City.

Tinanggal na ang mga laro ng South Korea na nakatakda rin sanang makasagupa ng Pilipinas habang wala na rin ang napaulat na Philippines-Indonesia game.

Balik sa orihinal na schedule ang Philippines-Indonesia game sa third window ng qualifiers sa Peb­rero sa susunod na taon.

Nagdesisyon naman ang South Korea na hindi magpadala ng koponan sa Manama dahil sa usaping pangkaligtasan ng national basketball team nito.

Hindi pa malinaw kung forfeited ang mga laro ng South Korea sa second window o ililipat lamang ito sa bagong schedule dahil hindi nabago ang standings sa Group A.

Nangunguna pa rin ang South Korea na may 2-0 rekord kasunod ang Pilipinas (1-0), Thailand (0-1) at Indonesia (0-2).

Inaasahang hihingi ng paliwanag ang Sama­hang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa FIBA sa oras na dumating ang delegasyon sa Manama.

Umalis na kahapon ang Gilas Pilipinas na binubuo ng 14 aktibong players kasama ang coaching staff sa pangunguna nina head coach Jong Uichico, SBP program director Tab Baldwin at assistant coach Boyet Fernandez.

Papangalanan ang Final 12 ng Gilas Pilipinas isang araw bago ang laban.

Show comments