Lee isinalba ang Magnolia

Pinilit harangan ni Magnolia guard Jio Jalalon si Rain or Shine forward Sidney Onwubere.
PBA Image

MANILA, Philippines — Muntik nang mabalewala ang itinayong 20-point lead ng Magnolia sa third period.

Mabuti na lamang at naroon si combo guard Paul Lee para sumaklolo.

Tumapos si Lee na may 31 points tampok ang tatlong three-point shots para tulungan ang Hotshots na paluhurin ang Rain or Shine Elasto Pain­ters, 70-62, sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.

“We’re in a do or die situation and we need to grind it out to win,” sabi ni coach Chito Victolero. “It’s not yet over sa elims pero maganda naman ang nakikita ko. Hopefully, magtuluy-tuloy.”

Ito ang ikaapat na sunod na pananalasa ng Magnolia para sa kanilang 5-4 record habang nalaglag ang Rain or Shine (4-4) sa pangatlong dikit na kabiguan.

Ipinoste ng Hotshots ang 20-point lead, 41-21, sa pagbungad ng third quarter na naputol ng Elasto Pain­ters sa 61-62 mula sa dalawang free throws ni Jewel Ponferada sa huling 3:28 minuto ng fourth period.

Ngunit muling inilayo nina Lee, Ian Sangalang at Jio Jalalon ang Magnolia sa 70-62 sa nalalabing 39 segundo ng labanan para selyuhan ang kanilang panalo.

Samantala, target naman ng Barangay Ginebra (7-2) na makalapit sa No. 1 spot sa Top Four sa quarterfinals sa pakikipagtuos sa nagdedepensang San Miguel (5-4) ngayong alas-6:45 g gabi.

Ang No. 1, 2, 3 at 4 teams sa quarterfinals ang may bitbit na ‘twice-to-beat’ incentive laban sa No. 8, 7, 6 at 5 squads, ayon sa pagkakasunod.

Bago ito ay magkikita ang Rain or Shine (4-4) at Blackwater (2-6) sa alas-10 ng umaga, maglalaban ang Meralco (5-3) at Terrafirma (1-7) sa ala-1 kasunod ang sagupaan ng Magnolia (5-4) at NorthPort (1-7) sa alas-4 ng hapon.

Show comments