Training bubble sa Calamba inaasahan ng PSC na matutuloy

Charles Raymond Maxey
Davao Sports Writers Association

MANILA, Philippines — Habang ang ibang  bansa ay matagal nang binuksan ang mga training centers para sa kanilang mga atletang sasabak sa Olympic Games qualifying tournaments, taliwas naman ito sa nangyayari sa Pilipinas.

Ito ay dahil hanggang ngayon ay ipinagbabawal pa rin ang pagbabalik-ensayo ng mga national athletes bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Umaasa ang Philippine Sports Commission (PSC) na matutuloy ang kanilang kasunduan ng Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna para sa planong training bubble ng mga Olympic Games qualifiers at hopefuls.

“Ongoing iyong talks na iyan, and hopefully the soonest we can have that bubble started para mag-resume na iyong training ng ating mga atleta,” sabi ni PSC Commissioner Charles Raymond Maxey.

“Iyong ibang bansa matagal na silang nag-resume eh. We are way behind schedule. Itong ating mga atleta they are raring to resume their trai­ning again,” dagdag pa nito.

Ang mga national athletes na mayroon nang tiket sa 2021 Olympics, idaraos sa Tokyo, Japan, at mga lalahok lamang sa mga qualifying tournaments ang ipapasok sa training bubble.

Kailangan ng PSC na makakuha ng ‘green light’ mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) na siyang magtatakda ng ilalatag na health at safety protocols sa nasabing training bubble.

Tanging sina pole vaul­ter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno ang may tiket na sa Olympics.

Show comments