Lakers na o may game 7 pa?

Huli ni Heat star Jimmy Butler ang tira ni Lakers guard Rajon Rondo sa Game 5 ng NBA Finals.

LA, Miami may magkaibang misyon sa game 6

LAKE BUENA VISTA, Fla. -- Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay pipilitin ng Los Angeles Lakers na makopo ang kanilang ika-17 korona habang determinado ang Miami Heat na mapigilan ito.

Didribol ang Game Six ng NBA Finals kung saan umaatikabong bakbakan ang muling matutunghayan sa pagitan ng Lakers at Heat.

Pinigilan ng Miami ang Los Angeles na angki­nin ang kampeonato nang agawin ang 111-108 pa­nalo sa Game Five na tinampukan ng ikalawang triple-double ni Jimmy Butler sa NBA Finals.

Idinikit ng Heat sa 2-3 ang kanilang best-of-seven championship series ng Lakers at may pagkakataong maitabla ito patungo sa paghirit ng Game Seven.

“We ain’t backing down,” sabi ni Butler na tinulungan din ang Miami na talunin ang Los Angeles sa Game Three, 115-104. “We ain’t shying away.”

Sa panalo ng Heat sa Game Five ay humataw si Butler ng 35 points, 12 rebounds at 11 assists bukod pa ang limang steals.

Nagposte naman si LeBron James ng 40 points, 13 rebounds, 7 assists at 3 steals sa panig ng Lakers, huling nagkampeon noong 2010 sa panahon ng namayapang si Kobe Bryant.

“That’s the beauty of the game, being able to compete at the highest level,” wika ni James. “You take those opportunities and you live in the moment. You’re trying to make plays for your team and be successful on both ends.”

Pipilitin naman ni big man Anthony Davis na maglaro para sa Los Angeles makaraang magkaroon ng right heel contusion sa first period ng Game Five.

Posible namang makita sa backcourt ng Miami si veteran point guard Goran Dragic, hindi nakalaro sa Games Two, Three, Four at Five dahil sa torn plantar fascia sa kanyang kaliwang paa.

Show comments