La Salle nagpapalakas para sa UAAP wars

Holy Cross of Davao cager hinugot

MANILA, Philippines — Walang tigil sa pagpapalakas ang De La Salle University na inaasahang mas magiging solido sa mga susunod na edisyon ng UAAP men’s basketball tournament.

Nakuha ng Taft-based squad si Paul Turco ng Holy Cross of Davao na magiging malaking asset ng Green Archers sa pagsalang nito sa UAAP wars.

Isa si Turco sa naa­sahan ng Holy Cross sa kampanya nito sa Philippine Collegiate Champions League Visayas-Mindanao qualifying tournament.

May taas na 6-foot-6 si Turco na inaasahang huhubugin ni La Salle head coach Derrick Pumaren upang maging malakas na puwersa sa shaded area.

Sasailalim sa isang taong residency si Turco kaya’t masisilayan na sa aksyon ang mahusay na manlalaro sa Season 84 ng liga.

Ilang matitikas na manlalaro na ang nahugot ng Green Archers kabilang na ang Filipino-Americans na sina Benjamin Phillips at Michael Phillips gayundin sina Jonnel Policarpio ng Mapua at Warren Calara ng Technological Institute of the Philippines, Kevin Quiambao ng Nazareth School of National University at dating San Beda University standout Evan Nelle.

Mas lalo pang lalakas ang La Salle kung makukuha nito si Filipino-American Zavier Lucero ng Cal State Maritime Academy.

Show comments