Aguilar, Wong pinagmulta ng PBA

Japeth Aguilar

Lumabag sa protocols ng IATF

MANILA, Philippines — Maski ang mga ordinaryong tao ay pinaparusahan kapag lumalabag sa community quarantine protocols ng gobyerno.

Kahapon ay pinatawan ng PBA Commissioner’s Office sina Barangay Ginebra big man Japeth Aguilar at Rain or Shine rookie Adrian Wong ng tig-P20,000 at inutusang sumailalim sa swab testing.

Ito ay matapos lumantad ang isang video na nagpapakita ng kanilang paglalaro kasama si Gilas Pilipinas pool member Isaac Go, ang No. 1 PBA Draft pick ng Columbian Dyip, sa isang gym sa San Juan City.

Nakaligtas naman ang 6-foot-8 na si Go, ipinahiram ng Dyip sa Sama­hang Basketball ng Pilipinas (SBP) para sa 2023 FIBA World Cup, sa anumang parusa ng PBA.

Malinaw na nilabag nina Aguilar, Wong at Go ang community quarantine protocols na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan ipinagbabawal ang 5-on-5 basketball.

Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na pagkatapos dumaaan sa swab test nina Aguilar at Wong ay sasailalim naman sila sa 14-day quarantine.

Isa pang swab test ang gagawin nila para sa confirmatory procedure.

Ngunit hindi pa natatapos dito ang parusa kina Aguilar at Wong,

Sasailalim din sina Aguilar at Wong sa 30 oras na community service.

Noong nakaraang linggo ay pinayagan ng IATF ang training at condi­tioning ng mga manlalaro ng PBA at Philippine Football League (PFL).

Show comments