Almazan hinay-hinay muna ang pagwo-workout

Raymond Almazan
STAR/ File

MANILA, Philippines — Habang hindi pa ganap na gumagaling ang kanyang kaliwang tuhod ay hindi pa sasabak si Meralco center Raymond Almazan sa matinding workout.

Nagkaroon ang 6-foot-8 na si Almazan ng isang lateral meniscus tear sa kanyang kaliwang tuhod sa Finals ng nakaraang PBA Governors’ Cup.

“More concern ko talaga ‘yung leg ko,” wika ng dating sentro ng Letran Knights sa NCAA sa idinaos na PBA Kamustahan podcast. “Gusto ko mag-fully heal muna siya bago ako mag-full workout.”

Kahit sinuspindi ng PBA ang 45th Season noong Marso 11 ay tuloy pa rin si Almazan sa kanyang pagwo-work out sa kanyang bahay.

“Nagwo-workout ako every other day, more on leg talaga ako kasi gusto ko siyang palakasin para hindi maiwan,” sabi ng Meralco slotman.

Nang ilagay sa enhanced community qua­rantine (ECQ) ang National Capital Region ay kanya-kanya nang pagpapa­kondis­yon ang ginagawa ng mga PBA players sa kanilang mga bahay.

“Para makabalik, siguro tiis-tiis muna tayo ngayon,” ani Almazan.

Sa Agosto ay inaasahan nang magdedesisyon ang PBA Board of Governors kung itutuloy o tuluyan nang kakanselahin ang 45th Season.

Show comments