Inoue Pinoy ang sparmates

Naoya Inoue
STAR/File

MANILA, Philippines — Ilang Pinoy boxing ang nasa kampo ni International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Association (WBA) bantamweight champion Naoya Inoue upang makatuwang nito sa sparring sessions.

Kinuha ni Inoue sina Pete Apolinar, KJ Cataraja at Prince Albert Pagara para tulungan ang Japanese fighter sa kanyang paghahanda para sa unification bout laban kay WBO bantamweight titlist John Riel Casimero.

Sasalang sina Inoue at Casimero sa Abril 25 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.

Kaya naman parehong puspusan na ang paghahanda ng dalawang boksingero para masiguro na mabigyan ng magandang laban ang mga manonood sa fight day.

Ibinahagi ni Apolinar ang estilo ni Inoue.

Aminado ang 24-anyos Pinoy pug na malakas ang kamao ni Inoue na pangunahing armas nito upang manatiling malinis ang kanyang record – 19-0 tampok ang 16 knockouts.

Sinabi pa ni Apolinar na maganda rin ang estilo ni Inoue.

Malalim ang pasensiya nito. Kinakalkula ang bawat galaw ng kanyang kalaban.

At sa oras na makakuha ito ng tiyempo, agad na nagbibitiw ng matinding suntok ang Japanese boxer.

Kumuha ang kampo ni Inoue ng Pinoy boxers upang mapag-aralan ng husto ang style ng boxing ng mga Pilipino.

Show comments