Lady Blazers lumakas ang tsansa sa Final Four

The Lady Atlas joins the Atlas and the Jr. Atlas in the finals after besting twice-to-beat the De La Salle-College of Saint Benilde Lady Blazers.
The STAR/Joey Villar

MANILA, Philippines — Mabilis na napigilan ng College of Saint Benilde ang ratsada ng San Beda University, 17-25, 25-18, 25-22, 25-22, upang dumikit sa minimithing Final Four berth sa NCAA Season 95 women’s volleyball tourna­ment kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Bumida si rookie Gayle Pascual na bumanat ng 20 points mula sa 16 attacks at 4 blocks.

Nakasama niya sa pag-arangkada si Diane Ven­tu­ra na pumalo ng 14 hits pa­ra sa Lady Blazers na napatatag ang puwesto sa tuktok ng standings bitbit ang malinis na 6-0 marka.

 “May mga times na nag­re-relax kami, kampante sa game. Pero nahaha­bol naman namin pa­isa-isa ‘yung score. Si­nabihan lang kami ni coach (Jerry Yee) na push lang, walang titigil,” ani playma­ker Jewel Lai.

Kumana naman si Chels­ea Umali ng 4 blocks, 4 aces at 3 attacks, saman­talang may siyam na puntos si Mycah Go at pito na­man si Jade Gentapa.

Pukpukan ang laban kung saan nakaungos lang ng bahagya ang Lady Bla­zers sa attacks (46-43) at aces (7-5).

Bagama’t nakapagtala ito ng 13-8 bentahe sa bloc­king department, naging pa­sakit sa St. Benilde ang 31 errors na nagawa nito sa buong panahon ng laro.

“Isa talaga ‘yung San Be­da sa mga katapat namin kaya pinag-aralan namin talaga ang galaw nila,” dagdag pa ni Lai.

Lumasap ang San Be­da ng ikalawang sunod na kabiguan para mahulog sa 3-2 marka.

Parehong nagtala sina wing spikers Cesca Racraquin at Nieza Viray ng 13 hits, habang gumawa naman si Jiezela Viray ng 10 markers at 13 digs para sa Lady Red Spikers.

Sa ikalawang laro, na­pasuko ng Jose Rizal University Lady Bombers ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-22, 25-17, 25-19, para manatiling buhay ang kanilang tsansa sa Final Four tangan ang 2-4 baraha.

Nagrehistro sina Dolly Grace Verzosa, Sydney Niegos at Mary May Ruiz ng pinagsamang 36 points sa panig ng La­dy Bom­bers.

May 0-6 baraha ang La­dy Generals at posibleng masibak sa torneo.

Samantala, lalabanan ng Letran Lady Knights ang Lyceum Lady Pirates nga­yong alas-12 ng tanghali.

Show comments