Makati pumuwesto na sa Top 4

MANILA, Philippines — Nakasiguro na ng top four finish ang Makati Super Crunch matapos tambakan ang Caloocan Supremos, 119-77, sa pagpapatuloy ng Chooks-to-Go-Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa San Andres Sports Arena sa San Andres, Manila.

Binigyan ng Super Crunch ng magarang pa­salubong ang kanilang bagong head coach na si Beaujing Acot sa pamamagitan ng malaking 42-point margin na panalo para manatili sa ikatlong puwesto sa 21-6 win-loss kartada sa likuran ng na­ngu­ngunang San Juan Knights (23-3) at pumapangalawang Manila Stars (23-5) sa Northern Division.

Anim na manlalaro ni coach Acot ang tumapos sa double-digits sa pangu­nguna ni Joshua Torralba sa kanyang 24 puntos, tatlong rebounds, tatlong assists at dalawang steals habang 16 puntos, walong rebounds, dalawang assists at limang steals naman kay Jeckster Apinan.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Davao Occidental Tigers kontra sa Parañaque Patriots, 78-70.

Umangat muli ang Ti­gers sa solo top spot sa kanilang 22-4 card at umabante ng half-a-game laban sa pumapangalawang Bacoor City Strikers na tangan ang 22-5 record sa Southern Division.

Hindi rin nagpahuli ang expansion team Nueva Ecija Rice Vanguards pagkaraang sorpresahin ang paboritong Bulacan Kuyas, 85-78.

Show comments