Cayetano binalikan ang mga kritiko ng SEAG

MANILA, Philippines — Rumesbak si Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Chairman Alan Peter Cayetano sa mga bumabatikos sa hosting ng bansa ng 2019 Southeast Asian Games.

Partikular na pinatamaan ni Cayetano sina dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino, Jr. at Senador Franklin Drilon na pinuna ang magastos na pagtatagu­yod ng bansa sa nasabing biennial meet.

Tinukoy ni Cayetano ang P10 bilyong nagastos ng gobyerno sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Manila noong 2015 kung saan si Aquino pa ang nakaupong Presidente.

“Ilan ba ang dapat nagawang classroom kung hindi na­tin hinost ang APEC? Ang sinasabi ko lang ‘yung hy­pocrisy noong P10 billion na hiningi nila sa Kongreso pa­ra sa APEC, para sa bayan ito, representasyon ito, karangalan,” wika ni Cayetano.

Kinastigo rin ni Cayetano ang pagkuwestiyon ni Drilon sa P55 milyong nagastos sa pagpapagawa ng 2019 SEA Games cauldron na maaari na sanang magamit sa pagbuo ng 50 silid-aralan.

“Sa bibig mismo ni Senator Drilon nanggaling na hin­di ito overpriced. Walang nagsasabi na it’s excessive or overpriced. So ano ang issue? Namamahalan kayo sa P50 million pero sa P10 billion okay lang sa inyo,” resbak ni Cayetano kay Drilon.

Ipinaliwanag pa ni Cayetano na hindi  biro ang pag­pa­pa­gawa ng cauldron na itinuturing na state-of-the-art na magiging pagmamay-ari ng gobyerno matapos ang 2019 SEA Games.

“Iyon nakita nila justified nila pero ‘yung P50 million na priceless work of art na forever na magiging pagmamay-ari ng gobyerno, sasabihin nila na 50 classrooms na lang,” paliwanag ni Cayetano.

Nanawagan ang mambabatas na magkaisa ang la­hat upang maging matagumpay ang SEA Games hos­ting at mas lalong tumaas ang moral ng mga atleta.

“Akala nila SEA Games, ay seafood eh, kaya puro crab mentality, talangka ang inaabot natin. But it’s not hurting us, it’s hurting our hosting of the SEA Games. So, ‘yun ang pakiusap ko. Afterwards, we’re free. We have so much time. December 11, tapos na ito. So, December 12, tirahin na nila kami,” ani Cayetano.

Show comments