Skateboarding venue para sa SEA Games handa na

MANILA,Philippines — Handa na ang venue na gagamitin sa skateboarding competitions ng 2019 Southeast Asian Games sa Tagaytay street and park sa Tagaytay City.

Sa katunayan, nagsimula nang mag-ensayo ang national skateboarding team sa naturang venue upang kabisaduhin ang race course.

Mismong si Skateboarding and Roller Sport Association of the Philippines or SRSAPI President Monty Mendigoria na ang nagsabi na 99.5 porsiyento na itong handa para sa biennial meet.

Ipaparada ng Pilipinas si Asian Games gold me­dalist Margielyn Didal katuwang si Kiko Francisco na nakatakdang dumating sa Miyerkules galing sa Rio de Janeiro, Brazil kasama si coach Daniel Bautista.

Darating din ngayong linggo si Filipino-American Cristiana Means na nagsanay sa Oregon para sa SEA Games.

Ito ang unang pagkakataon na lalaruin ang skateboarding sa SEA Games  at sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.

Hahataw din si Jefrrey Gonzales gayundin ang downhill skateboarding team na babanderahan nina Jaime Delange at Abigail Veloria na ginagabayan ni world champion Harry Clark ng Australia.

Aarangkada ang skateboarding competitions sa Disyembre 3 hanggang 8 tampok ang walong gintong medalyang nakataya sa Park, Street, Game of Skate at downhill competitions.

Tiwala si Mendigoria na wawalisin ng Pilipinas ang lahat ng gintong medalya sa naturang event.

Nagpasalamat ito sa suporta ng Philippine Sports Commission para sa trai_ning at international exposures ng koponan.

Show comments