Sweet sweep sa Creamline

Na-blocked ni Risa Sato ngCreamline ang kill ni Cherry Rose Nunag.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Nasawata ng Creamline ang matikas na hamon ng PetroGazz sa pamamagitan ng 29-27, 25-22, 27-25 desisyon upang matamis na maipagtanggol ang titulo sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Gumawa ng kasaysayan ang Cool Smashers nang iselyo nito ang matikas na 20-game sweep sa kumperensiya para maging kauna-unahang koponan sa PVL na nakagawa ng naturang tagumpay.

Winalis din ng Creamline ang best-of-three cham­pionship series, 2-0 kung saan nakuha rin nito ang 25-14, 25-22, 27-25 panalo sa Game 1 noong Miyerkules.

Sumandal ang Cool Smashers kay national team member Alyssa Valdez na siyang gumawa ng malalaking puntos partikular na sa mga krusyal na sandali habang nakakuha ito ng solidong suporta mula kay wing spiker Jema Galanza, opposite hitter Michele Gumabao at middle blocker Risa Sato.

Minanduhan naman ni veteran playmaker Jia Morado ang setting chores habang nanguna sa floor defense ng Cool Smashers si libero Kyle Atienza.

Magandang resbak din ito para sa Cool Smashers matapos matalo sa Gazz Angels sa finals ng Reinforced Conference noong Hulyo.

Sa kabuuan, may dalawang Open Conference titles na ang Cool Sma­shers at ikatlong korona sa kabuuan. Nagkampeon din ang Creamline sa Reinforced Conference noong nakaraang taon.

Nasungkit naman ng BanKo Perlas ang tansong medalya.

Lumasap ang Perlas Spikers ng 28-26, 14-25, 19-25, 17-25 kabiguan sa Motolite sa Game 2 ng best-of-three series.

Ngunit sapat ang 25-23, 25-23, 25-18 straight-set win ng Perlas Spikers laban sa Power Builders sa Game 1 para makakuha ng mas mataas na quotient points.

Show comments