F2 Logistics reyna ng PSL Invitational Cup

Na-blangka ni Chlodia Cortez ng Petron ang kill ni Kalei Mau ng F2 Logistics.

MANILA, Philippines — Nalusutan ng F2 Logistics ang Petron sa pamamagitan ng pahirapang 25-22, 25-19, 17-25, 22-25, 15-12 desisyon para madepensahan ang titulo sa 2019 Philippine Superliga Invitational Conference kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Maningning si Filipino-American outside hitter Kalei Mau nang magpakawala ito ng kaliwa’t kanang cross court at down-the-line hits na sinabayan pa ng matatalim na aces para pamunuan ang matikas na atake ng Cargo Movers.

Nakatulong ni Mau sina Kim Kianna Dy, Des Cheng, Aby Maraño at Asean Grand Prix back-to-back Best Middle Blocker Majoy Baron kasama si setter Kim Fajardo at libero Dawn Macandili upang pigilan ang paghahabol ng Blaze Spikers.

Ito ang ikalawang sunod na Invitational Confe­rence title ng Cargo Movers at ikalimang kampeonato ng prangkisa sa kabuuan.

Winasak ng Cargo Movers ang tangkang conference sweep ng Blaze Spikers na armado ng 7-0 rekord na siyang naging daan nito para makapasok sa finals.

Samantala, mabilis namang napataob ng Cignal ang Foton sa bendisyon ng 25-22, 25-15, 25-17 demolisyon upang masikwat ang bronze medal.

Naging armas ng HD Spikers ang solidong depensa nito sa net matapos magtala ng 11 blocks kasabay pa ng matikas na atake tangan ang 42 kills kumpara sa 30 lamang na nagawa ng Tornadoes.

May 6-3 edge rin ang Cignal sa service area.

“Meron silang hugot. Sa mga nangyari sa mga nakaraang laro nila. Ito yung dapat nilang patunayan na dapat nandoon din sila sa championship. Kaya ganun laro nila,” pahayag ni Cignal head coach Edgar Barroga.

Nanguna sa attack line para sa HD Spikers sina team captain Rachel Anne Daquis, Roselyn Doria at Mylene Paat habang nagsumite naman si playmaker Alohi Robins-Hardy ng 14 excellent sets at 10 puntos.

Show comments