Cignal laglag sa Petron

Nadepensahan ni Rosalyn Doria ng Cignal ang lag­l­ag ni Clodia Cortez ng Petron.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Nailusot ng Petron ang pahirapang 25-11, 20-25, 25-22, 25-27, 16-14 panalo laban sa Cignal para hablutin ang solong liderato sa Pool C ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference kahapon sa Caloocan Spots Complex sa Caloocan City.

Kinailangan ng Blaze Spikers na ilabas ang lahat ng alas nito para pigilan ang pagtatangka ng HD Spi­kers at mapanatiling walang bahid ang kanilang rekord sa ikalimang sunod na laro.

Halimaw na naman si UAAP Season 81 MVP Sisi Rondina na humataw ng 29 attacks at apat na aces para buhatin ang Blaze Spikers sa panalo.

“Coming into this game, kailangang tanggalin namin ang sumpa na yun (natalo sa semis sa All-Filipino). Hindi lang kami tumigil hangga’t yung bola nasa taas pa walang titigil. Always remember na kapag may pumapalo, babalik at babalik yan. Stick to game plan lang kami kanina, hindi kami bumitaw,” ani Rondina.

Lumasap naman ang Cignal ng unang kabiguan para mahulog sa No. 2 spot bitbit ang 5-1 baraha.

 Matamis na resbak ito para sa Petron matapos matalo sa Cignal sa semifinals ng All-Filipino Conference.

Susubukan ng Petron na walisin ang lahat ng kanilang asignatura sa eliminasyon sa pakikipagtipan sa PLDT Home Fibr sa huling araw ng preliminary round sa Martes.

Show comments