Red Lions sinagpang ang Blazers para sa 8-0 record
MANILA, Philippines — Tinambakan ng three-peat champion San Beda Red Lions ang St. Benilde Blazers, 88-57, para manatiling walang talo sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Dahil sa mahigpit na depensa ay nilimitahan ng Red Lions ang Blazers sa siyam na puntos sa first period, 20-9, patungo sa kanilang pang-21 sunod na panalo sapul noong nakaraang taon.
Ang huling kabiguan ng Mendiola-based team ay noong Agosto 21, 2018 sa mga kamay ng Lyceum Pirates, 66-73, sa first round.
Susubukan ng tropa ni coach Boyet Fernandez na walisin ang first round sa pagharap sa Mapua Cardinals sa Martes.
“As what I’ve always said, we always take it on a game-to-game basis. We still have 10 more games to go, so we take it one game at a time. Our main objective is to make it to the top two so we can have the ‘twice-to-beat’ advantage,” wika ni Fernandez, asam ang ikaapat na sunod na titulo.
Bumagsak ang baraha ng Blazers sa 5-2 sa likuran ng Pirates (6-2).
Si Calvin Oftana ay nagtala ng bagong career-high 27 points, habang sina AC Soberano at James Kwekuteye ay nagdagdag ng 14 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.
Tinambakan naman ng San Sebastian Stags ang Perpetual Help Altas, 107-90, para itala ang 4-3 kartada at manatili sa pang-limang puwesto sa team standings.
- Latest