Painters nakaisa sa Elite

Binigyan ni Rain or Shine center Jewel Ponferada ng hard foul si Blackwater rookie Bobby Ray Parks, Jr.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines — Nagsalpak si guard Rey Nambatac ng mahalagang three-point shot sa huling 2.3 segundo para kumpletuhin ang pagbangon ng Rain or Shine.

Itinakas ng No. 6 Rain or Shine ang 83-80 panalo la­­ban sa No. 3 Blackwater sa Game One ng kanilang quar­terfinals series sa 2019 PBA Commissioner’s Cup ka­­hapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Tumapos si Nambatac na may 13 points para sa 1-0 abante ng Elasto Painters sa kanilang best-of-three series ng Elite.

“After we hit that three, it gave us an opportunity to stay in the game. We hit the big shots,” ani coach Caloy Garcia sa 11-0 atake ng kanyang Rain or Shine matapos iwanan ng Blackwater sa 80-72 sa huling 1:32 minuto.

Pinamunuan ni import Carl Montgomery ang nasabing ratsada ng Elasto Painters, nagtayo ng 12-point lead, 49-37, sa dulo ng second period hanggang ma­a­gaw ng Elite ang 59-57 bentahe buhat sa inihulog na 20-7 bomba sa huling 2:26 minuto sa third quarter.

Humakot si Montgomery ng 17 points, 19 rebounds at 2 blocks para sa Rain or Shine, maaaring walisin ang Blackwater sa Game Two sa Martes.

Samantala, inaasahan namang hindi mag-aaksaya ng panahon ang No. 1 TNT Katropa at No. 2 NorthPort, pa­­rehong may hawak na 'twice-to-beat' advantage, sa pag­sagupa sa No. 8 Alaska at No. 7 San Miguel sa kani-kanilang quarterfinals match.

Makakatapat ng Tropang Texters ang Aces, sinibak ang Meralco Bolts sa overtime, 108-103, noong Biyernes, ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang pagkikita ng Batang Pier at Beermen sa alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Rain or Shine 83 – Daquioag 19, Montgomery 17, Nambatac 13, Belga 11, Norwood 10, Mocon 5, Ro­sales 5, Ponferada 2, Onwubere 1, Borboran 0.

Blackwater 80 – Parks 20, Belo 17, Smith 16, Ma­lik­si 12, Sumang 5, Cortez 3, Al-Hussaini 3, Alolino 2, Sena 2, DiGregorio 0, Banal 0.

Quarterscores: 22-21; 50-39; 59-61; 83-80.

Show comments