Mojdeh, Tom nanalasa sa pool

Pa-dive si Micaela Jasmine Mojdeh sa pool sa swi­mming event ng Batang Pinoy Luzon Leg na gina­ganap sa Isabela, Ilagan City.
Joey Mendoza

ILAGAN CITY, Isabela, Philippines — Tatlong gintong medalya ang nilangoy ni Aubrey Tom habang dalawa naman ang inangkin ni swimming sensation Micaela Jasmine Mojdeh sa swimming event ng 2019 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy Luzon leg kahapon dito sa Isabela Sports Complex.

Bumandera ang 12-anyos na si Tom ng Cainta, Rizal sa girls' 12-under 200-meter individual medley (2:37.95), 100m freestyle (1:04.24) at 50m backstroke (34.30) para maging unang triple-gold medalist ng qualifying meet.

“Yes, I expected to win three golds today because I've been training hard for my first Batang Pinoy," sabi ng Grade 6 student ng International Learning Academy sa Cainta, Rizal.

Ang dalawang gold medal naman ng 12-an­yos na si Mojdeh ng Parañaque City ay kanyang nilangoy sa girls' 13-15 200m IM (2:34.91) at sa 400m IM (5:25.11).

“Medyo napagod po ako kasi sunud-sunod po 'yung mga laban ko eh,” sabi ng Grade 7 student ng Immaculate Heart of Mary College sa Parañaque City matapos sumabak sa nakaraang 2019 Beijing All-Star Swimming Championships sa China kung saan siya sumira ng pitong Philippine records.

Binura ni Mojdeh, ang top swimmer ng Philippine Swimming League (PSL), sa naturang swimfest ang  mga national marks sa 200m butterfly (2:17.89), 200m IM (2:25.68), 200m breaststroke (2:43.51), 100m butterfly (1:04.67), 100m IM (1:09.85), 50m butterfly (29.41) at 50m breaststroke (36:13).

“Ang goal ko po ay ma-sweep ang lahat ng events ko rito sa Batang Pinoy at makapag-set ulit ako ng bagong Philippine records,” ani Mojdeh.

Ang iba pang kumu­ha ng gold medal sa ka­nilang mga events ay sina Marc Bryan Dula ng Parañaque sa boys’ 50m backstrokes sa tiyempong 32 segundo, Samuel Ieuan Villanueva ng Marikina City sa boys' 12-under 200m IM (2:44.39), Gabriel Jizmundo ng Dagupan City sa boys' 13-15 200m IM (2:26.44), Patrick Anthony Vidal ng Quezon City sa boys' 12-under 100m freestyle (1:08.17), Johan Carlos Aguilen ng La Union Province sa boys' 13-15 100m freestyle (58.98) at Mary Sophia Manantan ng Puerto Princesa sa girls' 13-15 100m freestyle (1:04.03).

Show comments