Team LeBron hiniya ang Team Giannis sa NBA All-Star Game
CHARLOTTE -- Humataw ang Team LeBron sa third quarter para makabangon mula sa pagkakabaon at resbakan ang Team Giannis, 178-164 sa 2019 NBA All-Star Game.
Nagsalpak sina Klay Thompson at Damian Lillard ng mahahalagang three-point shots sa dulo ng third period para tampukan ang iniskor na 50 points ng Team LeBron kumpara sa 36 markers ng Team Giannis at agawin ang 132-131 lead matapos makabawi mula sa 20-point deficit.
Kumonekta sina Thompson, Lillard at Kevin Durant ng tig--anim na 3-pointers na nagtampok sa kabuuang 62 triples.
Tumapos naman si Giannis Antetokounmpo na may 38 points at 10 rebounds para banderahan ang kanyang koponan.
“We didn’t win and that’s why I didn’t get it,” sabi ng Milwaukee Bucks star na tinalo ni Durant, naglista ng 31 markers para sa All-Star MVP trophy.
“I’m going to keep getting better,” ani Antetokounmpo. “Hopefully, I can get as many MVPs as my brother has.”
Sa edad na 23-anyos ay marami pang mailalabas ang Bucks superstar center, ayon kay Durant.
Nagdagdag sina Thompson at Lillard ng 20 at 18 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Team LeBron habang tumapos si Kawhi Leonard na may 19 markers para pantayan ang iniskor ni James.
Tumipa naman sina Paul George at Khris Middleton ng tig-20 points sa panig ng Team Giannis samantalang may tig-17 markers sina Stephen Curry at Russell Westbrook.
Samantala, matapos ang third quarter ay pinarangalan ni NBA Commissioner Adam Silver sina Dwyane Wade ng Miami Heat at Dirk Nowitzki ng Dallas Mavericks sa pamamagitan ng pagbibigay sa dalawang magreretiro nang superstar ng commemorative jerseys.
- Latest