Aranas kinapos kay Souquet

Hindi umubra ang puwersang inilatag ni Aranas laban sa mas beteranong si Souquet na humugot sa kanyang malalim na karanasan para maitakas ang panalo.
AFP

MANILA, Philippines — Bigo si James Aranas na maipagpatuloy ang magandang kamada nito matapos umani  ng 10-13 pagyuko kay world champion Ralf Souquet ng Germany sa semifinals ng prestihiyosong 2019 World Pool Series Predator Grand Final na ginanap sa Steinway Café-Billiards sa Astoria, New York.

Hindi umubra ang puwersang inilatag ni Aranas laban sa mas beteranong si Souquet na humugot sa kanyang malalim na karanasan para maitakas ang panalo.

Si Aranas ang itinuturing na ‘giant killer’ sa torneo matapos payukuin ang ilang malalaking pangalan kabilang na sina Petri Makkonen ng Finland (13-10), 2017 World Pool Series Aramith Masters champion Klenti Kaci ng Albania (13-11) at dating world champion Darren Appleton ng Great Britain (11-4).

Hindi naman pinalad si Souquet na maipagpatuloy ang magandang laro nito matapos matalo sa kanyang kababayang si reigning World 9-Ball champion Joshua Filler, 11-17 sa championship round.

Show comments