Nietes pakay ang ika-4 na world title kontra kay palicte

Nagharap ang kapwa Pinoy fighters na sina Donnie ‘Ahas’ Nietes at ‘Mighty’ Aston Palicte sa final presser kahapon.
(@Philboxing.com)

MANILA, Philippines — Sa edad niyang 36-anyos ay aminado si Filipino world three-division champion Donnie ‘Ahas’ Nietes na hindi na siya bumabata at kailangan na niyang manalo sa bawat laban para makakuha ng malalaking premyo.

Bukas ay sasagupain ni Nietes ng Murcia, Negros Occidental ang pambato ng Bago City na si ‘Mighty’ Aston Palicte para sa bakanteng World Boxing Organization super flyweight crown sa ‘SuperFly 3’ sa The Forum sa Los Angeles, California.

“This fight represents a lot to me, as I will be seeking my fourth world championship in a fourth different weight division,” wika ni Nietes, hindi pa natatalo simula noong 2004, sa kanilang final presser kahapon.

Bitbit ni Nietes ang kanyang 41-1-4 win-loss-draw ring record kasama ang 23 knockouts  habang dala ng 27-anyos na si Palicte ang 24-2-0 (20 KOs) card.

Hangad ni Nietes na makahanay kina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at five-division titlist Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire  Jr. bilang mga Pinoy na nagkampeon sa apat o higit pang weight divisions.

“I believe my fight with Aston has a very real possibility of being the best fight of the night,” wika ni Nietes.

Ang upakan nina N­ietes at Palicte ang ikatlong pagkakataon na magsasagupa para sa world boxing belt ang dalawang Pinoy figh­ters.

Noong 1925 ay tinalo ni flyweight king Pancho Villa, miyembro ng International Boxing Hall of Fame, ang kanyang korona via unanimous 15-round decision win laban kay Clever Sencio sa Manila.

Noon namang Mayo 26 ng kasalukuyang taon ay binigo ni Jerwin Ancajas si mandatory challenger Jonas Sultan ng Cebu para mapanatiling suot ang International Boxing Federation flyweight title sa Fresno, California.

Samantala, masasaksihan ng sambayanang Pilipino ang inaaba­ngang tagisan ng kamao nina  Nietes at  Palicte ngayong Linggo (Setyembre 9) sa alas- 2:30 ng tanghali sa ABS-CBN S+A sa “Pinoy Pride Presents: Nietes vs Palicte.”

 Maaaring mapanood ng live ang kanilang laban sa SKY Sports PPV sa ha­lagang P99, tumawag lang sa 418 0000, pumunta sa opisina ng SKY o bisitahin ang www.mysky.com/pacman para mag-subscribe.

Magkakaroon naman ng replay ang laban ng dalawang Pinoy na boksingero sa darating na Setyembre 10 at Setyembre 14 sa alas-7 ng gabi sa S+A. 

Show comments