Milo Little Olympics malaki ang naitutulong sa disiplina at kahusayan ng mga bata

Ilan sa mga bataan ni Malahito na kumo­lekta ng gintong medalya sa kanilang mga events sa 31st Milo Little Olympics sa Marikina Sports Park ay sina Kharl Berjuela at Naeren Makabanghit.

Muntinlupa nagdomina sa athletics event

MANILA, Philippines — Bagama’t dinomina ang mga labanan noong nakaraang taon ay hindi pa rin nawawala kay athletics coach Marvin Malahito ng Muntinlupa National High School ang pananabik na makitang nananalo ang kanyang mga atleta.

Ilan sa mga bataan ni Malahito na kumo­lekta ng gintong medalya sa kanilang mga events sa 31st Milo Little Olympics sa Marikina Sports Park ay sina Kharl Berjuela at Naeren Makabanghit.

Nagbulsa ng gintong medalya si Berjuela sa high school boys’ 110-meter hurdles (17.4 segundo) at long jump (6.51m) habang nanguna si Macabanghit sa high school girls’ 100m hurdles (17.1 segundo) at long jump (4.74m).

“Talagang pinaghandaan namin ito,” sabi ni Malahito. “Nag-champion kami last year dito sa Milo Little Olympics sa elementary at secondary athletics. “Majority ng mga events last year kami ang nanalo.”

Nagdagdag din ng gold medal sa kanilang mga events sina Rich Samantha Alegre sa elementary girls’ 100m hurdles (19.9 segundo), Kurt Jacob Yumul sa elementary boys’ long jump (4.05m) at Rhianne Nicole Magallenes sa elementary girls’ long jump (4.04m).

Sinabi ni Malahito, nagtapos na may kursong A.B. Political Science sa Perpetual Help sa Laguna, malaki ang naitutulong ng Milo Little Olympics.

“Nagbibigay sila (Milo Little Olympics) ng pagkakataon sa mga bago at sa mga dati nang sumasali ng confidence at nadadagdagan ‘yung skills nila,” sabi ng 36-anyos na athletics coach.

Seryoso si Malahito na maitaas ang antas ng kahusayan ng kanyang mga batang atleta.

“Everyday kami nagte-training sa amin sa Muntinlupa Sports Center. Minsan doon lang kami sa loob ng court kasi wala naman kaming sariling oval,” ani Malahito.

Kabuuang 5,102 student-athletes mula sa 997 primary at secondary public at private schools ang lumahok sa nasabing three-day event.

Sumabak ang mga ito sa 13 sports events na binubuo ng athletics, badminton, basketball, football, gymnastics, lawn tennis, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, chess, sepak takraw at scrabble.

Show comments