Guiao igigiya ang Gilas sa FIBAWC?

MANILA, Philippines — Kung magiging maganda ang kampanya ng Phi­lippine team sa 18th Asian Games sa Indonesia ay posibleng si coach Yeng Guiao ang humawak sa Gilas Pilipinas sa pagsabak sa September windows ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Ipinagpaliban kahapon ng PBA board of governors ang desisyon ukol sa magiging komposisyon ng Gilas Pilipinas para sa September window ng FIBAWC eliminator habang hinihintay ang resulta ng mga laro ng tropa ni Guiao sa 2018 Jakarta Asiad.

Muli namang inulit ng PBA Board ang kanilang pagsuporta sa Samahang Basketbol ng Pilipinas pati na sa Gilas Pilipinas.

“The PBA is open to lending our players to Gilas. But the board didn’t discuss a possible lineup with the SBP yet to decide on who will be the coach,” wika ni PBA Commissioner Willie Marcial.

Sinuspindi ng FIBA ang 10 players ng Gilas kasama si naturalized center Andray Blatche  at sina coaches Chot Reyes at Jong Uichico dahil sa nangyaring ‘basketbrawl’ nila ng Australia noong Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Pinatawan din ng FIBA ng suspensyon sina RR Pogoy, Troy Rosario, Jayson Castro, Terrence Romeo, Calvin Abueva, Carl Bryan Cruz, Japeth Aguilar, Matthew Wright at Jio Jalalon.

Magiging top contender si Guiao kung maigigiya niya ang Nationals sa medal match sa 2018 Jakarta meet.

Tumapos ang Gilas ni Reyes sa seventh-place noong 2014 Asiad sa Incheon, South Korea.

Kailangan ng grupo ni Guiao na makapasok sa Top Two ng kanilang grouping ng China at Kazakhstan para umabante sa knockout stage (Final Eight).

Show comments