Widodo tiniyak ang tagumpay ng 18th Asiad

Ito ay sa kabila ng nangyaring lindol at maikling paghahanda matapos umatras ang orihinal na host na Vietnam dahil sa problemang pinansiyal.
Russell Palma Pool Photo

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Indonesian president Joko “Jokowi” Widodo ang matagumpay nilang pamamahala sa 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2.

Ito ay sa kabila ng nangyaring lindol at maikling paghahanda matapos umatras ang orihinal na host na Vietnam dahil sa problemang pinansiyal.

Isang malaki at makulay na opening ceremonies sa Sabado ang ipinangako ng Jakarta  Asian Games Organizing Committee (JAGOC) kung saan 5,000 performers ang magbibigay ngiti sa mga delegasyon.

“The Games will be inaugurated through a colossal ceremony as a way to show the world that Indonesia is a big nation that is capable of hosting an international event,” ayon sa JAGOC.

Umabot sa $2 bilyon ang inilaan ng pamahalaan ng Indonesia para sa pagpapatayo ng mga bagong ve­nues kagaya ng velodrome at equestrian center pati na ang pagpapaayos sa main stadium kung saan ginanap ang opening ceremony noong 1962 Asian Games.

Siniguro rin ng JAGOC ang kaligtasan ng halos 12,000 bilang ng mga atleta at opisyales sa kabuuan ng 2018 Asiad.

Humigit-kumulang sa 100,000 pulis at sundalo ang titiyak sa seguridad ng mga kalahok, opisyal at turista sa gaganaping Asiad.

Nagsimula na ang ak­syon sa ilang sports events, ngunit ang opisyal na pagbubukas ay nakatakda sa Sabado.

Show comments