Scratchers dumalawa sa Scorpions
MANILA, Philippines — Tinanggalan ng bangis ng Go For Gold ang Centro Escolar University sa bisa ng 75-60 demolisyon upang makisosyo sa liderato sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagparamdam agad ng lakas sina Rey Publico, Paul Desiderio at Matt Salem para tulungan ang Scratchers na makuha ang ikaanim na sunod na panalo sa walong pagsalang.
Humataw si Publico ng solidong 18 points at 11 rebounds habang nagdagdag naman si Desiderio ng 17 markers at gumawa si Salem ng 16 points.
Dahil sa panalo, sumalo ang Scratchers sa tuktok ng standings kasama ang Che’Lu Bar and Grill na may parehong 6-2 kartada.
“I’m happy that we won and we played defense for once,” wika ni Go For Gold head coach Charles Tiu
Sakto ang pagputok nina Publico, Desiderio at Salem dahil hindi nakapaglaro sina Gab Banal, Jerwin Gaco, Ron Dennision at James Martinez.
May sakit si Gaco samantalang nagpapagaling sina Dennison at Martinez sa kani-kanilang iniindang injury. May personal commitment naman si Banal.
Bumagsak sa 4-4 ang Scorpions.
Sa ikalawang laro, iginupo ng Marinerong Pilipino ang Batangas, 80-74 para umangat sa 5-3 marka.
- Latest