Manila, Navotas sumalo sa liderato

MANILA, Philippines — Hindi na nag-aksaya pa ng oras ang Manila Stars at tuluyang pinataob ang Bataan Risers, 89-82 habang pinadapa naman ng Navotas Clutch ang Pasay Voyagers, 83-75  sa pagpapatuloy ng  2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Anta Datu Cup noong Sabado ng gabi sa San Andres Gym sa Malate, Manila.

Binura ng paboritong Bataan Risers ang maagang 12 puntos bentahe ng Stars ni coach Philip Cezar, ngunit agad rumesponde si Aris Dionisio para ipahiwatig ang seryosong asam sa titulo.

Sa kanilang panalo,  nakisama ang tropa ni coach Philip Cezar sa three-way tie sa top spots sa North Division kasama ang Ca­loocan Supremos at Navotas Clutch sa parehong 1-0 win-loss kartada.

Umarangkada ang da­ting St. Clare University player na si Dionisio ng 21 puntos at gumawa pa ng pitong rebounds, tatlong blocks at dalawang steals habang si Adrian Celada ay umani ng 18 puntos para sa Manila Stars.

Sa kabilang banda, humataw ng 26 puntos si Levi Hernandez na may kasamang anim na rebounds para sa come-from-behind panalo ng Navotas Clutch laban sa Pasay Voyagers.

Tumulong din ng 22 puntos si Rey Publico at siyam na rebounds para iangat ang Clutch ni coach Richie Ticzon sa sosyohan sa liderato sa North Division.

Show comments