Pacquiao inaya si Mayweather manood ng MPBL

MANILA, Philippines – Inanyayahan ni Manny Pacquiao si Floyd Mayweather Jr. na manood ng basketball sa South Cotabato ngayong Huwebes ng gabi.

Ayon sa information officer ni Pacquiao, nakapag-usap sandali sa telepono ang dalawang boksingero nitong kamakalawa ng gabi.

Naglilibot sa Palawan si Mayweather habang katatapos lamang ni Pacquiao sa kaniyang pag-eensayo nang magkausap sila.

Inaya ni Pacquiao si Mayweather sa pre-season game ng Maharlika Pilipinas Basketball League sa Polomolok, South Cotabato.

Hindi naman tiyak kung makakapagkita ang dalawa dahil na rin sa kanilang busy schedule.

Pinaghahandaan ni Pacquiao ang kaniyang laban sa Hulyo 15 kontra kay WBA welterweight champion Lucas Matthysse.

Nasa bansa si Mayweather para sa kaniyang world tour kung saan dumaan na siya sa Dubai, Singapore, Indonesia at Thailand.

Hindi naman tiyak kung ngayon nga ang alis ni Mayweather sa Pilipinas.

 

Show comments