Warriors, 76ers nagmartsa sa second round ng playoffs

OAKLAND, Calif. — Muling nakuha ni Klay Thompson ang kanyang shooting touch, habang ginawa naman ni Draymond Green ang lahat at kumamada pa rin si Kevin Durant bagama’t hindi maganda ang kanyang gabi.

Ngayon ay hinihintay na ng nasabing All-Star cast ang pagbabalik ni two-time MVP Stephen Curry mula sa isang knee injury.

Umiskor si Durant ng 25 points at pinamunuan ni Green ang malagkit na depensa ng Golden State Warriors para talunin ang San Antonio Spurs, 99-91, sa Game Five ng kanilang first-round playoff series.

Tinapos ng Golden State ang kanilang serye ng San Antonio sa 4-1 para umabante sa second round ng Western Conference playoffs.

Lalabanan ng Warriors sa second round ang New Orleans Pelicans kung saan ang Game One ay gagawin sa Oracle Arena sa Linggo (Manila time).

Winalis ng Pelicans ni dating Warriors top assistant Alvin Gentry ang Portland Trail Blazers sa first round.

“Draymond can literally do everything. So these last two games, he’s been rebounding like a beast,” sabi ni Thompson, nagdagdag ng 24 markers, kay Green.

Tumapos si Green na may 17 points, career-playoff high na 19 rebounds at 7 assists.

Sa Philadelphia, nagtuwang sina Joel Embiid at Ben Simmons para pangunahan ang 76ers sa 104-91 pagsibak sa Miami Heat sa kanilang first-round playoffs series.

Nagmartsa ang Philadelphia sa second round ng Eastern Conference playoffs sa unang pagkakataon matapos noong 2012.

Winakasan ng 76ers ang kanilang serye ng Heat sa 4-1 at sasagupain sa second round ang mananalo sa pagitan ng Boston Celtics at Milwaukee Bucks.

Naglista si Embiid ng 19 points at 12 rebounds at kumolekta si Simmons ng 14 points at 10 boards  para sa Philadelphia.

Sa Boston, kumamada si Al Horford ng 22 points at 14 rebounds para akayin ang Celtics sa 92-87 panalo kontra sa Milwaukee Bucks at ilista ang 3-2 abante sa kanilang first-round playoff series.

Nagdagdag si Terry Rozier ng 16 points at 5 assists pa­ra sa Boston, dadayo sa Milwaukee sa Biyernes (Ma­nila time) para sa Game Six.

Binanderahan ni Khris Middleton ang Bucks mula sa kanyang 23 points at nag-ambag si Jabari Parker ng 17 points at 78 rebounds, habang nalimitahan si Giannis Antetokounmpo sa series-low na 16 points kasama ang 10 rebounds at 9 assists.

Show comments