Cargo Movers, Blaze Spikers dadaan sa matinding pagsubok
MANILA, Philippines — Mapapalaban ng husto ang mga paboritong F2 Logistics at Petron sa oras na makaharap ang kani-kanilang karibal sa semifinals ng Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na lalarga ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Papalo ang nagdedepensang Cargo Movers kontra sa mapanganib na Foton sa alas-7 ng gabi habang titipanin naman ng Blaze Spikers ang Cocolife sa unang laro sa alas- 4:15 ng hapon.
Hangad ng F2 Logistics at Petron na muling maisaayos ang paghaharap sa finals.
Ngunit hindi ito magiging madali para sa kanila partikular na sa F2 Logistics dahil ipaparada ng Foton sa pagkakataong ito si dating Most Valuable Player Jaja Santiago na galing sa kampanya kasama ang National University sa UAAP Season 80.
Malaking tulong si Santiago upang higit pang palakasin ang front line ng Foton kasama sina imports Elizabeth Wendel at Channon Thompson at local stars Dindin Manabat, Maika Ortiz at Christine Joy Rosario.
Aasahan din ng Tornadoes sina Diana Carlos at Isa Molde ng University of the Philippines gayundin sina playmakers Gyzelle Sy at Ivy Perez.
Kukuha ng lakas ang Cargo Movers kina reigning MVP Maria Jose Perez ng Venezuela at Kennedy Bryan ng Amerika na makakatuwang nina Aby Maraño, Kim Fajardo at skipper Cha Cruz.
Sa kabilang banda, asahan din ang pukpukang laban sa pagitan ng Petron at Cocolife.
Masisilayan sa unang pagkakataon si international campaigner Katherine Bell na siyang pumalit kay Hillary Hurley na may ankle injury.
Makakasama ni Bell sina veteran Lindsay Stalzer, Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina at Mika Reyes para pigilan ang pagtatangka ng Asset Managers.
Papalo para sa Cocolife si FIVB World Grand Prix veteran Marta Drpa katuwang si Sara Klisura. (CCo)
- Latest