Vargas bagong POC chief
MANILA, Philippines — Nangako ang bagong presidente ng Philippine Olympic Committee na si Victorico P. Vargas ng pagbabago at pagkakaisa matapos magwagi sa isinagawang special election ng POC kahapon sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.
“This is for the athletes. This is for Philippine sports to succeed. This is for Philippine sports to be one again. Long live Philippine sports,” sabi ni Vargas.
Sa ginawang election, nakakuha si Vargas, presidente ng Alliances of Boxing Association of the Philippines (ABAP) ng kabuuang 24 boto para tapusin na ang mahabang 12-year reign ni Cojuangco at magiging pang-sampung presidente ng Olympic body ng bansa.
Nakakuha lamang ang 83-anyos na si Cojuangco, pangulo ng Equestrian Association of the Philippines ng 15 boto mula sa iba’t ibang National Sports Associations (NSAs).
Bukod kay Vargas, nagwagi rin si Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, ang pangulo ng PhilCycling sa posisyon ng chairman laban kay Ting Ledesma ng table tennis, 23-15 upang umpisahan ang bagong panahon sa sports ng bansa.
Sina Vargas at Tolentino ay kapwa magsisilbi bilang presidente at chairman ng POC, ayon sa pagkakasunod hanggang sa 2020 dahil ang cycle ng mga opisyales ng POC ay alinsunod sa quadrennial Olympic Games na gaganapin sa Tokyo, Japan.
“It’s a big responsibility. I hope I’m able to live up to the expectations of those who supported me especially the core group who believed in what we are saying. Noon PBA ang boss ko, ngayon dito mga atleta na,” ayon pa kay Vargas.
Kasama ni Vargas at Tolentino na maninilbihan sa sports sina 1st vice-president Joey Romasanta ng karatedo at volleyball, 2nd vice-president Jeff Tamayo ng soft tennis, secretary-general Steve Hontiveros ng bowling, treasurer Julian Camacho ng wushu at auditor Jonne Go ng Canoe-kayak.
- Latest