Fajardo aminadong mahihirapan ang Beermen na maidepensa ang korona

Laro Bukas(San Juan Arena)

4:15 p.m. Kia vs NLEX

7 p.m. Magnolia vs Alaska

MANILA, Philippines — Sa dami ng mga pagbabago sa ilang koponan, inamin ni four-time Most Valuable Player June Mar Fajardo na hindi madali ang hangad ng San Miguel na ikaapat na sunod na korona ng PBA Philippine Cup.

Kaagad itong naramdaman ng mga Beermen matapos talunin ang Phoenix Fuel Masters, 104-96 sa pagbubukas ng komperensya noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

“Walang madali. Mahirap yun para sa amin kasi 'yung ibang teams, pinaghahandaan kami,” sabi ni Fajardo.

“Lumalakas sila so hindi kami dapat mag-relax. Kailangan pa naming magpraktis ng mas maayos at sundin 'yung sistema namin,” dagdag pa ng 6-foot-11 Cebuano star center.

Ang nakaugaliang pagrerelaks matapos makapagtayo ng malaking bentahe ang dapat alisin ng mga players ng San Miguel sa kanilang sistema.

Binuksan ng Beermen ang laro sa 8-0 at tinangay ang 17-point lead sa third quarter bago ito naisuko sa Fuel Masters na nakadikit sa 80-85 agwat sa gitna ng fourth quarter.

“Tendency talaga namin na medyo mag-relax kapag nakalamang,” ani Fajardo. “Isa 'yun sa mga bad habits namin kaya kailangan na­ming tanggalin iyon.”

Bukod kay Fajardo, si­nandalan din ng San Miguel sa ratsada sa final canto sina one-time MVP Arwind Santos at Marcio Lassiter.

“For me, a first win is really hard, especially for us whom everybody was preparing hard for,” wika ni head coach Leo Austria.

Susunod na lalabanan ng Beermen ay ang Meralco Bolts sa Disyembre 27sa Big Dome.

Show comments