Roach tiniyak na babagsak si McGregor kay Pacquiao

MANILA, Philippines — Maitakda man ang boxing match nina Manny Pacquiao at Conor McGregor ay tiyak nang mapapabagsak ng Filipino world eight-division champion ang UFC superstar.

Minaliit ni Freddie Roach, ang chief trainer ni Pacquiao, ang boxing skills ni McGregor, ginawa ang kanyang unang boxing bout noong Agosto kung saan siya pinasuko ni Floyd Mayweather  Jr. sa tenth-round sa kanilang 12-round, non-title fight.

Muling iginiit ni Roach na sa boxing ring lamang maaaring labanan ni Pacquiao si McGregor at hindi sa loob ng Octagon.

“Well Manny always told he doesn’t like that sport because it’s more like a street fight,” sabi ni Roach sa panayam ng Fight Hub TV.

“But it’s a very winnable fight and there’s a lot of money in that fight.  It’s kind of like ripping off the world; it wouldn’t be a fair fight. Unless Manny fought by their rules too, that would be a fair fight,” dagdag pa nito.

Sa nasabing laban ay kumita ang 41-anyos na si Mayweather ng higit sa $300 milyon  habang $100 mil­yon ang naibulsa ng 29-anyos na si McGregor.

Nauna nang nagparamdam si Pacquiao, magdiriwang ng kanyang ika-39 kaarawan sa Disyembre 17, kay McGregor matapos magposte sa kanyang Twitter at Instagram account ng larawan ni McGregor na nakaupo sa isang sofa at binati niya ng "Happy Thanksgiving Day" noong Nobyembre 23 at sinabihan na magpakondisyon para sa tunay na boxing fight sa susunod na taon.

“May mga bali-balita lang, pero siyempre may representative si McGregor na nakikipag-usap sa representative ko,” ani Pacquiao. “But I don't know yet sa conversation nila kasi sabi nila he is willing to fight. Pero hindi pa natin alam dahil mahirap magbigay ng conclusion kung ano ang mangyayari. Hintayin na lang natin.”

Ngunit handa si UFC president Dana White na idemanda si Pacquiao at sa sinumang kakausap kay McGregor para sa isang boxing fight.

Sinabi ni White na may exclusive contract ang Irish lightweight titlist sa UFC sa kasalukuyan.

Plano ni Wite na isagupa si McGregor kay UFC interim lightweight king Tony Ferguson sa susunod na taon.

Show comments