Nadale rin ni Navarra

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Jun­rey Navarra ng Navy-Standard Insurance ang mga siklistang papadyak sa main race ng LBC Ronda Pilipinas 2018 sa Marso,

Ito ay matapos talunin ni Navarra si local bet Jonel Carcueva ng Go for Gold para banderahan ang ikalawa at huling qualifying race ng LBC Ronda Pilipinas 2018 sa Danao City Hall at nagtapos sa Plaza Rizal sa Danao, Cebu kahapon.

“Gusto ko talagang mag-qualify,” sabi ni Nava­rra, tubong General Santos.

Humataw ang 25-anyos na si Navarra ng bilis na tatlong oras, 58 minuto at 35.3 segundo para iwanan ang 22-anyos na si Carcueva ng Minganilla, Cebu at banderahan ang 161-kilometer stage.

Dahil dito ay pepedal si Navarra para sa main race ng LBC Ronda Pilipinas sa Marso ng susunod na taon.

Hindi napasama si Navarra, dating three-time winner ng LBC Ronda King of the Mountain sa listahan matapos mabigo sa unang qualifying race sa Tarlac City noong nakaraang buwan.

Nagkaroon naman ng cramps si Carcueva, nakakuha rin ng tiket  para sa 2018 edition ng pinakamalaking cycling race sa bansa, ng pinilit na unahan si Navarra sa fi­nish line.

Tumersera naman si Navyman Ronald Oranza sa kanyang 3:59:16.10 kasunod si John Michael Mier (3:59:17.20) ng Go for Gold sa annual race na itinataguyod ng LBC at suportado ng Petron, MVP Sports Foundation, Versa Radio at Standard Insurance.

Ang iba pang kasama sa top 10 ay sina Go for Gold bet Ronnel Hualda (4:01:22.10), Jerry Aquino, Jr. (4:01:22.20), Archie Cadana (4:01:22.30), Luis Krog (4:01:22.50), Leonel Dimaano (4:01:22.50) at Arth Lorence Garlejo (4:01:23.40).

Sasabak din sa main race sina James Ferpas at Ranlen Maglantay ng Mindanao at sina Jaybop, Juhnvie at Jhetly Pagnanawon ng Cebu kung saan nakalatag ang premyong P1 milyon.

Show comments