Gilas mahihirapan sa pagkawala ni Blatche

MANILA, Philippines - Inaasahan nang mahihirapan ang Gilas Pilipinas na makaabante sa championship round ng darating na 2017 FIBA Asia Cup sa Beirut na nakatakda sa Agosto 8-20.

Ito ay dahil sa hindi pagsama ni naturalized player Andray Blatche sa Nationals para sa pagsabak sa naturang torneo.

“I will always be very thankful for the opportunity, the love, and the support I have received from my Filipino family, but it’s a lot of reason why I can’t join and I don’t expect for many people to understand,” wika ni Blatche. “But I do wish my brothers the best of luck.”

Sa nakaraang kampanya ng Nationals sa 2017 Jones Cup sa Taipei ay hindi rin naglaro ang 6-foot-8 na si Blatche kung kaya tumapos sa ikaapat na puwesto ang koponan.

Dahil dito ay tinapik ni national head coach Chot Reyes si 6’8 Fil-German Christian Standhardinger para saluhin ang nabakanteng puwesto ni Blatche.

Maganda ang ipinakita ni Standhardinger sa Jones Cup bukod pa kay Carl Bryan Cruz, ang rookie ng Alaska.

Sina Standhardinger at Cruz ang isinama ni Reyes sa Final 12 ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Cup bukod pa kina June Mar Fajardo ng San Miguel, Terrence Romeo ng Globalport, Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra, Calvin Abueva ng Alaska, Jio Jalalon ng Star, Matthew Wright ng Phoenix, Raymond Almazan ng Rain or Shine at sina Jayson Castro at RR Pogoy na mga miyembro ng koponang nagkampeon sa nakaraang SEABA tournament.

Nasa listahan din si Gabe Norwood ng Rain or Shine.

Sina Standhardinger at Cruz ay kasama rin sa Gilas lineup na magtatanggol ng korona sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19-30.

Ang iba pang miyembro ay sina Troy Rosario, Baser Amer, Almond Vosotros, Kevin Ferrer, Kiefer Ravena, Ray Ray Parks Jr., Mike Tolomia, Von Pessumal, Raymar Jose at Kobe Paras.

Sina Standhardinger, Cruz, Ravena, Jalalon, Wright at import Mike Myers ang ginamit ni Reyes sa nakaraang Jones Cup.

Show comments