Green napahiya kay McGregor sa Instagram post

Si UFC superstar Conor McGregor sa kanyang Instagram photo suot ang jersey No. 23 ng Warriors.  

OAKLAND -- Hindi napigilan ni Draymond Green ng NBA champions na Golden State Warriors ang kanyang sarili na pumalag sa Instagram post ni UFC superstar Co­­nor McGregor ng Ireland.

Nakita ni Green ang ipinosteng litrato ni McGregor sa kanyang Instagram account at kaagad nagkomento.

Suot ni McGregor, lalabanan si Floyd May­weather, Jr. sa isang boxing match sa Agosto 26, ang isang No. 23 Warriors jersey na kasalukuyang ginagamit ni Green.

“We rocking with Floyd bro not you... take that off bruh,” sabi ni Green kay McGregor.

Pinagtawanan naman siya ng UFC star.

Ayon kay McGregor, hindi niya suot ang jersey ni Green kundi ang dating uniporme ni Golden State point guard C.J. Watson.

“I dribble heads off the floor. Not a ball. This is no game here kid,” sagot ni McGregor sa Warriors forward.

Ang pagsusuot ni McGregor ng jersey ni Watson ay bahagi ng kanyang pang-aasar kay Mayweather.

Ang American world five-division champion ay si­nam­pahan ng domestic abuse case ng kanyang dating nobyang si Josie Harris noong 2010.

Sa reklamo ni Harris, sinaktan siya ni Mayweather nang madiskubre ang kanilang relasyon ni Watson.

Show comments