Gilas bagsak sa Lithuanians

TAIPEI -- Ilang beses nagtangkang makadikit ang Gilas Pilipinas sa hu­ling dalawang minuto ng fourth quarter, ngunit sad­yang mas malalaki ang mga players ng Lithuania.

Pinasadsad ng mga Lithuanians ang Natio­nals, 91-80 sa 39th Jones Cup kahapon dito sa Taipei Peace Basketball Gymnasium.

Nalasap ng Gilas, nanggaling sa 84-75 paggupo sa Iraq noong Huwebes, ang kanilang pangatlong kabiguan sa pitong laro.

Nakamit naman ng Lithuania ang ikaanim na panalo para sa kanilang 6-1 baraha kasosyo sa liderato ang Canada (6-1) kasunod ang South Korea (5-3) sa torneong magpuputong sa koponang makakapagtala ng best record.

Kumayod ang mga Lithuanians ng 33 points sa kabuuan ng second period kumpara sa 19 ng Nationals para kunin ang  55-36 bentahe sa halftime.

Sa naturang arangkada ay nagsalpak ang Lithuania ng pitong three-point shots.

Pinalobo pa ng mga Lithuanians ang kanilang kalamangan sa 70-50 bago nagpumilit ang Gilas na makalapit hanggang sa pagtunog ng final buzzer.

Pinamunuan nina import Mike Myers at Kiefer Ravena ang Nationals mula sa kanilang tig-14 points kasunod ang tig-13 markers nina RR Pogoy at Matthew Wright.

Sa iba pang laro, tinalo ng Canada ang India, 121-72, samantalang pinabagsak ng South Korea ang Japan, 101-81.

Nakatakdang labanan ng Gilas ang India (0-7) ngayong ala-1 ng hapon kasunod ang pagsagupa sa Iran (3-3) bukas ng alas-5 para sa kanilang huling laban sa nasabing nine-day tournament.

Show comments