Krusyal na laban sa Pinay spikers vs Thailand

MANILA, Philippines - Ibubuhos na ng Philippine Superliga-Manila ang buong lakas nito sa pakikipagtipan sa powerhouse Supreme Chonburi-Thailand sa paglarga ng quarterfinals ngayong hapon sa Asian Women’s Club Championships na ginaganap sa Boris Alexandrov Sports Palace sa Ust-Kamenogorsk, Kazakhstan.

Nakatakda ang bakbakan ng Pinay squad at Thai spikers sa alas-2 ng hapon (alas-4 ng hapon sa Maynila) kung saan ang magwawagi ang siyang uusad sa semifinals.

Hindi magiging madali ang daang tatahakin ng PSL-Manila dahil makakasagupa nito ang Supreme Chonburi-Thailand na siyang nanguna sa Pool A tangan ang imakuladang 3-0 baraha.

Ang PSL-Manila naman ang nasa ilalim ng standing sa Pool B bitbit ang 0-3 marka matapos lumasap ng kabiguan sa kamay ng Hisamitsu Springs-Japan (17-25, 10-25, 14-25) noong Huwebes, Vietin Bank-Vietnam (21-25, 25-17, 20-25, 14-25) noong Biyernes at Tianjin Bohai Bank-China (8-25, 10-25, 9-25) noong Sabado.

Kaya naman malakas na puwersa ang kinakailangan ng PSL-Manila kung nais nitong maitala ang upset win laban sa Supreme Chonburi-Thailand.

Hahataw para sa PSL-Manila si 6-foot-5 open hitter Jaja Santiago na siyang top scorer ng koponan sa liga habang magbibigay ng solidong suporta sina Aby Maraño, Jovelyn Gonzaga, Maika Ortiz, Mika Reyes, Rachel Anne Daquis at setter Kim Fajardo.

Sesentro naman ang opensa ng Supreme Chonburi-Thailand kina Thailand national team veterans Pleumjit Thinkaow at Apinyapong Wilavan gayundin kina top hitter Moksri Chatchu-on at import Diouck Fatou Niane.

Nagtala si Chatchu-on ng 24 puntos sa kanilang hu­ling laro habang may 18 naman si Niane. Solido rin ang laro nina Wilavan at Thinkaow na may pinagsamang 22 puntos para sa Supreme Chonburi-Thailand.

“Malaki ang tiwala ko sa team na ito. Kaya nilang makipagsabayan sa malalakas na teams. Kailangan lang ng proper exposure tulad ng pagsali sa mga malala­king international tournaments para matuto sila,” wika ni national head coach Francis Vicente.

Umaasa si Vicente na makatutulong ang isang araw na pahinga upang makabawi ng lakas ang kanyang tropa at makabuo ng solidong plano laban sa matikas na koponan ng Thailand.

Kung matatalo ang PSL-Manila sa Supreme Chonburi-Thailand, mahuhulog ito sa classification round kung saan tanging ikalimang puwesto lamang ang pinakamataas na posible nitong makuha.

Show comments