Cignal-SBC umuukit na ng pangalan sa PBA D-League

MANILA, Philippines - Nagsisimula nang gumawa ng pangalan ang Cignal-San Beda matapos kubrahin ang kauna-una­hang titulo sa Philippine Basketball Association (PBA) D-League nang pagharian nito ang Aspirants' Cup.

Ngunit hindi naging madali ang daang tinahak ng Hawkeyes.

Kinailangan nitong magbanat ng buto bago i­selyo ang 2-1 panalo laban sa Racal sa best-of-three championship series.

Nakuha ng Hawkeyes ang 93-85 panalo sa Game 1 subalit rumesbak ang Tile Masters sa Game 2  sa pamamagitan ng 100-90 desisyon.

Sa rubber match, humataw ang Hawkeyes ng 81-78 panalo upang matamis na angkinin ang panalo.

Nasandalan ng Cignal si  San Beda College standout Javee Mocon na siyang kumana ng mga krusyal na puntos sa huling sandali ng rubber match.

“Sana magtuluy-tuloy itong panalo namin. Marami akong natutunan dito kaya sobrang saya ko sa first season ko nag-champion agad kami,” wika ni Mocon.

Ngunit hindi lang si Mocon ang inasahan ng Hawkeyes.

Nariyan sina Jason Perkins, Pamboy Raymundo at Robert Bolick na siyang itinanghal na season MVP.

“Nagawa namin ito ng sama-sama kami. Tala­gang nagtulung-tulong kami para makuha namin ito,” dagdag ni Mocon.

Pinuri ni Hawkeyes mentor Boyet Fernandez ang matikas na ipinamalas ng kanyang bataan.

Nakuha ni Fernandez ang ikapitong titulo sa liga subalit hindi nito mag-isang inako ang tagumpay.

Sa halip, mas binigyang diin nito ang pagsisikap ng kanyang tropa para maabot ang inaasam na korona.

“Lahat ng players nagsikap. Yung team work talagang gumana. Lahat nag-contribute from offense to defense. Hindi sila bumigay, lumaban kami hanggang sa huli,” ani Fernandez.

Umaasa si Fernandez na maipagpapatuloy ng kanyang bataan ang magandang nasimulan nito sa oras na magsimula ang susunod na kumperensiya ng liga.

Show comments