Batangas sinagasaan ang Victoria

MANILA, Philippines – Nailusot ng Batangas ang pukpukang 88-85 panalo laban sa Victoria Sports para sumampa sa winner’s column ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nagtuwang sina Joseph Sedurifa, Dan Sara at Cedric Ablaza para sa unang panalo ng Batangueños sa tatlong laro.

Kumolekta si Sedurifa ng 17 puntos, 10 rebounds at 5 assists at nagtala si Sara ng 15 markers, 5 boards at 3 assists, habang nag-ambag si Cedric Ablaza ng 15 puntos at 7 rebounds.

Mainit na sinimulan ng Batangas ang fourth quarter para itarak ang 10 puntos na kalamangan, 73-63.

Subalit naglunsad ng matinding atake ang Victoria Sports na tinuldukan ng tres ni Robbie Herndon para maagaw ang bentahe, 85-84, sa 2:36 minuto ng laro.

Sumaklolo agad si Sedurifa nang kumana ng jumper kasabay ng undergoal stab ni Ablaza para mabawi ang abante sa huling 46.2 segundo ng labanan.

Sinubukan pa ng Victoria Sports na dalhin ang laro sa overtime ngunit hindi pumasok ang three-point attempt ni Zach Nicholls sa huling limang segundo.

Lumasap ang Victoria Sports ng ikalawang sunod na kabiguan kasama ang Blustar Detergent.

Show comments