Warriors pinatumba si Harden at ang Rockets

Sinupalpal ni Draymond Green ng Warriors ang tangkang layup ni James Harden ng Rockets katuwang si James Michael McAdoo.

HOUSTON - Dumiretso ang Golden State Warriors sa kanilang ikaanim na sunod na panalo matapos gibain ang Rockets, 125-108.

Umiskor si Kevin Durant ng 32 points mula sa kanyang 12-of-19 fieldgoal shooting kasunod ang 24 markers ni Stephen Curry pa­ra sa ika-37 panalo ng Warriors sa 43 laro.

Nagdagdag si Klay Thompson ng 16 points, ha­bang kumolekta sina Draymond Green at Zaza Pachulia ng 16 at 10 mar­kers, ayon sa pagkakasunod, para sa Golden State.

Naglista naman ang Rockets ng mahinang 7-for-35 clip sa three-point line at nalasap ang kanilang pang-13 kabiguan sa 46 la­ban.

Binanderahan ni Clint Capela ang Houston sa kanyang  22 points mula sa 10-of-16 fieldgoal shoo­ting.

Nalimitahan si James Harden sa 17 points at may 0-of-5 shooting sa 3-point range, habang may 6 markers si Eric Gordon.

Sa Atlanta, kaagad kinontrol ng Hawks ang laro at nalampasan ang pagba­ngon ng Chicago Bulls sa fourth quarter para kunin ang 102-93 panalo.

Pinamunuan nina Dennis Schroder at Paul Millsap ang maagang ratsada ng Atlanta laban sa Chicago na nagtayo ng 34-point lead patungo sa kanilang pang-25 panalo sa  43 laro.

Kinuha ng Hawks ang 87-53 kalamangan sa third period bago nakalapit ang Bulls sa 90-95 agwat sa hu­ling minuto ng fourth quarter.

Tumapos si Schroder na may 25 points, habang may 14 markers si Millsap para sa Atlanta.

Pinamunuan ni Jimmy Butler ang Chicago, nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan, sa kanyang 19 points, habang may 12 mar­kers si Jerian Grant mu­la sa bench.

Sa Los Angeles, su­mandig ang Lakers sa isang third quarter rally para gibain ang Indiana Pacers, 108-96.

Hawak ng Indiana ang 59-57 abante sa kaagahan ng third quarter, kumamada ang Los Angeles ng 26-12 ratsada para agawin ang 86-75 abante papasok sa fourth period.

Nagsalpak si Lou Williams ng back-to-back baskets para ibigay sa Lakers ang 19-point lead sa final canto.

Sa Dallas, hinablot ni Rudy Gobert ang krusyal na offensive rebound na nagresulta sa triple ni Joe Johnson sa overtime para sa 112-107 panalo ng Utah Jazz laban sa Mavericks.

Nagtala si Gobert ng mga career-highs na 27 points at 25 rebounds para sa pananaig ng Utah laban sa Dallas.

Show comments