So giniba ang Indian GM, lider na

MANILA, Philippines - Nasolo ni Grandmaster Wesley So ang liderato matapos patumbahin si GM Pentala Harikrishna ng India sa fifth round ng 2017 Tata Steel Masters Chess Tournament na ginaganap sa Wijk aan Zee, Netherlands.

Umangat sa apat na puntos ang produksiyon ng 23-anyos Pinoy wizard para maagaw ang pamumuno kay GM Pavel Eljanov ng Ukraine na lumasap ng kabiguan sa kamay ni GM Levon Aronian ng Armenia sa kanilang fifth-round match.

Nanatiling may 3.5 puntos si Eljanov para samahan sa ikalawang puwesto si defending champion  GM Magnus Carlsen ng Norway na may parehong puntos na nakolekta.

Nasiguro ni Carlsen ang draw laban kay GM Ian Nepomniatchtchi ng Russia sa hiwalay na laro.

Umangat naman si Aronian sa solong ikaapat tangan ang tatlong puntos.

Magkakasalo sa ikalima sina Harikrishna, GM Anish Giri ng Netherlands, GM Wei Yi of China, GM Dmitry Andreikin ng Russia at GM Sergey Karjakin ng Russia na may pare-parehong 2.5 puntos.

Nasa ika-11 sina Nepomniatchtchi at GM Baskaran Adhiban ng India na may magkatulad na dalawang puntos kasunod sa ika-13 si GM Richard Rapport ng Hungary na may 1.5 puntos at GM Loek Van Wely ng Netherlands sa ilalim bitbit ang kalaha­ting puntos.

Namayani si Adhiban kay Karjakin gayundin si Wojtaszek kay Van Wely.

Nauwi naman sa draw ang laban nina Wei at Giri, at Andrekin at Rapport.

Sa sixth round, haharapin ni So si Adhiban.

Sunod na makakalaban ni So sina Eljanov (seventh round), Karjakin (eighth), Aronian (ninth), Wojtaszek (10th), Andreikin (11th), Wei (12th) at Nepomniatchtchi (13th).

Show comments